“Mag-Aral Ka”
(Ang Pakikipagsapalaran
ng Isang Estudyante sa Kahirapan)
Korina Dela Cruz & Herlyn De Guzman
Enero 1, ______
Isinilang ako mula sa sinapupunan ng aking mahal na ina
noong ika-30 ng Disyembre sa taong _____, sa isang maliit na lungsod na
makikita sa kadulo-dulohan ng Pangasinan. Sa tuwing aalahanin ng aking
mapagmahal na ina ang aking kaarawan, lagi niyang ikwinekwento saakin na ako
ang pinaka masakit na pinanganak sa aming magkakapatid. Sa akin niya ito’y
isasalaysay at ni minsan hindi niya ako sinisi sa kanyang sinapit noon. Ako’y
nagulat pa nga nang hinalikan niya ang aking pisngi at sinabing, “Hindi ko
malilimutan iyon, anak. Kahit man parang hinampas ako ng isang mabagsik na
latigo sa aking mga balat, ang kinalabasan naman ng pagdurusang ito ay ang iyak
mong parang hulog ng langit.” At saakin niya lang ito nilihim. Ang aking mga
kapatid ay sina Istak, Andres, Hulio, Elena at ako naman ang pinaka bunso. Si
Kuya Andres ay dalawampu’t limang taong gulang na at isang magsasaka sa lupa ni
Don Carlos at ang katulong niya dito ay si Kuya Hulio. Isang gabi, sila’y umuwi
sa aming maliit na kubo, pagod na pagod
at tila dumudugo ang kanilang katawan. Nang gabing iyon, tinanong ko si Kuya
Andres kung bakit ganoon ang kanilang kalagayan ni Kuya Hulio.
“Bakit mo naman naitanong iyan, bunso?” Kanyang tinanong
saakin, sinusubukang ngumiti. Hinawakan ko ang kanyang sugat sa braso na tila
parang kinalmot ng isang marahas na hayop. Nang naramdaman ang aking kamay,
siya’y ngumiwi.
“Tignan mo, Kuya. Hindi po maipagkakaila ang iyong mga
sugat. Ano po ba ang ginawa niyo ni Kuya Hulio?”
Ngumiti siya saakin, at hinagod ang aking buhok, “Balang
araw, bunso, malalaman mo rin. Ngunit ipagpatuloy mo nang basahin ang mga libro
mo. Huwag ka nang mag-alala saamin.” Sinunod ko ang aking Kuya at pinagpatuloy
ang pagbabasa tungkol sa siyensiya. Ako’y musmos pa lamang noong panahon na
iyon. Wala akong kaalam-alam kung ano ang nangyayari sa mundo at kung gaano
kalupit ang magiging buhay ng isang batang pinanganak sa mahirap na probinsya.
Ang aking Kuya Istak naman ay hindi na namin nakikita.
Simula nang pumunta dito ang mga sundalo at ninais na kunin ang aming matandang
ama upang magsilbi sa kanila, si Kuya Istak ay walang takot na pumalit sa
pwesto ni tatay. Ang kanyang sinambit ay mga salitang hindi ko malilimutan;
“Ang pag-sisilbi sa bayan ay hindi dapat kinakadena sa isang tao,” hinarap niya
ang mga naka unipormeng mga lalaki, “Ako ang papalit sa aking ama dahil ilang
beses na siyang nanilbihan bilang tagagawa ng pagkaing inyong hinahain, pero
wala man lang kahit isang piso ang naibigay sakanya. Hindi niyo muli maloloko
ang aking ama, hindi ito mauulit.” Tinignan ng matulin ng mga sundalo ang aking
Kuya at bumulong sa isa’t isa. Niyakap ako ng aking ina habang pinapanood ang
nangyayari mula sa aming bintana. Nakita ko na tinaas ng isang sundalo ang
kanyang kamay papunta sa mukha ng aking Kuya ngunit hindi ko alam ang sumunod
dahil tinakpan ni ina ang aking mga mata at narinig ko ang pighating hiyaw
niya. Pagkatapos noon, hindi na muli namin nakita ang aming panganay na kapatid
at ang kanyang katapangan. Sinabi sa akin ni ina na darating siya sa takdang
panhon, maghintay lamang kami.
Ang aking iisang ate naman na si Ate Elena ay ang
pinakamagandang babae sa bayan namin. Mistulan siyang isang bulaklak na
pinalilibutan ng mga dahong iisa ang kulay. Kung ngumiti siya para bang
liliwanag ang iyong buhay at malilimutan mo ang mga problemang nakapasan sa
balikat mo. Kamukha siya ni ina. Simula nang magdalaga siya, pinadala siya ni
ina sa Maynila upang pag-aralin doon, sa tulong ng salaping inutang kay Don
Carlos. Malungkot si Ate nang malaman niya na mawawalay siya saamin at umiyak
ng umiyak sa dibdib ng aming ina. Pinunasan ni Inay ang mga pulang mata ni Ate
at hinalikan ang kanyang noo. Kinabukasan, hinatid si Ate ng isang kartero
papuntang Maynila at makikita mo sa kanyang mala-anghel na mukha na pinipilit
niyang hindi umiyak sa harap namin. Sa harap ko. Niyakap niya si ina at niyakap
niya ako ng mahigpit.
“Bunso, ikaw na ang bahala kay nanay. Walang mag-aalaga sa
kanya dahil ngayon aalis na ako. Magbasa ka nang magbasa at matuto ka nang
matuto. Mag-aaral ka dahil saamin.” Binulong niya sa akin.
“Dahil sainyo? Sino-sino?” Tinanong ko siya.
“Mag-aral ka.” Ito ang mga huling salita niya sa akin.
Tinawag na siya ng kartero at lumisan na patungo sa Maynila na kung saan walang
nakakaalam kung ano ang hitsura at kung ano ang magiging kapalaran ng Bulaklak
ng Pangasinan.
Ako at si Ina nalang ang nakatira sa maliit na kubo namin.
Ilang pasko narin kaming magkasamang dalawa. Namatay ang aking Kuyang si Andres
sa rason na hindi ko alam at maintindihan. Si Kuya Hulio ay umalis, hindi na
bumalik sa piling ng kanyang pamilya. Si ina ay laging nakatanaw sa bintana, tinititigan
ang mga bundok at ang palayan na hinding-hindi magiging amin, habang ako, ang
kanyang bunsong anak, ang anak na nagbigay sa kanya ng kasakitan nang isinilang
niya, ay nasa kabilang parte ng bahay, nagbabasa ng mga libro.
Pinag-aral ako ng aking pamilya sa isang eskwelahan na may
kaunting kalayuan sa aming kubo. Kailangan kong maglakad, umakyat sa
kagilid-gilidan ng bundok, tumawid sa manipis na tulay na ginawa ng mga
naninirahan doon at maglalakad muli. Walang binibigay saakin ang aking ina na
pera para sa aking transportasyon at pagkain subalit sapat na na makapunta ako
sa eskwelahan na makikita sa gilid ng dagat. Nakakahiyang isipin na ako lang
ang may sitwasyon na ito. Halos lahat ng aking mga kamag-aral ay mga anak ng
maasensong pamilya at ang iba’y anak pa ng mga opisyales sa Pangasinan! Sila’y
nakasuot ng itim na sapatos, akin ay tsinelas lamang. Nais ng aking ina na
bilhan ako ng sapatos na pamasok at ito ay ang naging regalo niya sa aking
nakalipas na kaarawan. Nang malaman ko ang halaga ng sapatos na ito, pumunta
ako sa palengke at nag-makaawa sa sapatero na kunin ang sapatos at ibalik ang
pera. Naawa naman siguro ang sapatero kaya’t binigay niya ito ngunit sa
kalahating halaga lamang, kahit hindi pa ito nagagamit. Nang malaman ni ina,
sinampal niya ang aking mukha.
“Bakit mo binalik ang sapatos? Para sa iyo ‘yon!” Hinaplos
niya ang namumula kong pisngi na kung saan ang kanyang kamay ay bumigay at
niyakap niya ako. Nagsimula siyang umiyak habang ang mga braso niya’y nakabalot
saakin.
“Ina, may tsinelas po ako dito. Nagagamit ko pa po iyon.
Hindi po natin kailangan ng sapatos. Isa lamang ‘yong...pagsasayang ng pera”
Aking sinabi.
“Ngunit… ngunit… sa iyong karawan!” iyak ni ina.
“Sa aking kaarawan ay masaya na po ako dahil niluto niyo po
ang paborito kong ulam na Adobo. Masaya na po ako dahil kasama ko po kayo at
hindi po ako nag-iisa katulad po ni Ate na nasa Maynila.” Nag-iba saglit ang
mukha ni ina pero ngumiti siya saakin.
“Bunso, bunso…” niyakap niya muli ako ng mahigpit.
Minsan na akong tuksuhin ng aking mga kaklase. Tungkol sa
aking tsinelas, tungkol sa aking gusot-gusot na damit, tungkol sa aking maitim
na kompleksyon kahit na ang iba naming kamag-aral ay ganoon din ang kulay ng
mga balat. Sinabihan nila ako na ako’y hindi karapa’t dapat sa paaralang iyon
dahil hindi daw mayaman ang pamilya ko.
“Oy, negro. Mayaman ka? Hindi ka ba nahihiya na ganyan ang
itsura mo? Sinabi ko sa aking magulang na may kaklase akong mas mukhang pulubi
pa sa pulubi… o isa ka talagang pulubi?” habang sila’y nagtawanan,
pinag-patuloy ko ang pagbasa tungkol sa espanya. “Hindi ka bagay sa eskwelahan
na ito! Hindi ka mayaman katulad ng pamilya namin!”
Tumayo ako at hinarap ang kanyang mabungisngis na
pagsasalita. “Kung ganoon, Antonio Feliz,” ang pangalan niya’y parang aking
dinura, “Hindi ka rin bagay sa bansang ito dahil hindi ka purong Pilipino.”
Walang nakarinig sa amin kundi ang iba naming mga kamag-aral. Kung may
nakarinig man saamin, ako’y mapapatalsik sa eskwelahan at masisira ang
kinabukasan na gusto ng aking pamilya. Hindi na ako pinansin ni Antonio, anak
ng isang kilalang heneral, simula noon. Hindi ko rin maintindihan kung bakit
ako’y nag-aaral sa ganitong paaralan. Kami’y mahirap lamang at mas mahal pa ang
pag-aaral ko kaysa sa buhay ng isang dukha na katulad ko.
Nakapagtapos ako ng pag-aaral sa hayskul. Ako ang nasa
pinakahuli sa listahan noon, ngunit ito ay mahalaga na sa akin dahil nakapasa
papuntang kolehiyo. Si Antonio Feliz ay naging ekselenteng estudyante kahit ang
kanyang ginagawa sa loob ng silid ay nakakasira sa halaga ng pagtitiyaga at
insulto sa lahat ng katalinuhan. Inilahad ko ito sa aking ina habang siya ay
nakatitig sa silangan.
“Anak, ang mahalaga ay alam mo ang tinuturo sa iyo,” sabi
niya saakin, “Hindi mahalaga ang titulo. Ikaw, bilang anak ko… Ang anak kong
mahal ang lahat sa mundo… Mabubuhay ka dahil alam mo ang tama at mali.
Mabubuhay ka… mabubuhay…” bigla nalang naglabas ng sigaw si ina na parang isang
hayop na nakakararanas ng matindig sakit.
“Inay! May nararamdaman po ba kayo?” tinanong ko siya habang
kinakalma ang kanyang katawan.
“Elena… Si Elena… buhay pa siya…”
“Opo, Inay. Si Ate ay nasa Maynila lamang.”
“Nakita ko siya dito! Nagpaalam! Elena! Ang anak ko!” Walang
tigil na hinampas ni ina ang nakapalibot sa kanya. Doon ko lamang nakita na may
hawak siyang papel. Kinuha ko ang naka-bilog na papel at binasa.
Ina, Andres, at Hulio,
Nay, patawarin niyo po ako sa aking gagawin. Lubid sa aking
ulo, alam niyo na po iyon. Wag niyo nalang po
sabihin sa aking nakababatang kapatid.
Mahal ko po kayo.
- E
Tinignan ko mabuti ang papel at binasa ng paulit-ulit. Wala
akong maintindihan sa isinulat ng aking Ate subalit may nararamdaman ako kung
ano ang ibig-sabihin nito at hindi ko ito matatanggap.
“Ina? Asan po si Ate Elena?” tinanong ko, hawak parin ang
papel na dapat kong sunugin. Hindi sumagot si ina. “Asan po si Ate Elena? Nasa
Maynila parin po ba siya?”
“Wala na…wala na siya…” bulong niya.
“Inay? Asaan po ang ate ko?” Pinuntahan ko siya sa kanyang
upuan, hinimas ko ang kanyang buhok hanggang siya ay tumigil umiyak, katulad ng
kanyang pag-tiyagang kantahan kami ng hele noong bata pa kami.
“Diyos ko, aking anak… ika’y madaming nalalaman tungkol sa
iba’t ibang asignatura. Ngunit pinagkaila naming sabihin sa iyo ang tunay na
nangyari noon.” himig niya. Tinitigan ko ang mata ng aking nanay upang malaman
na hindi siya nag-iisip ng mga bagay na kung saan pinapalit niya ito sa kanyang
pagdurusa.
“Anak,” binanggit ng aking malungkot na ina at nagpatuloy sa
pagkwento.
Habang ang mga ibon ay patungo na sa kanilang tahanan sa
itaas ng mga sanga, habang ang mga puno’y sumasayaw sa paghampas ng hangin,
nalaman ko ang tunay na kwento ng pamilya namin.
Noong
gabing bumalik sa tahanan naming sila Kuya Hulio at Kuya Andres, na puno puno
ng pawis at dugo ang kanilang mga katawan, nalaman ko na sila’y inapi ng
kanilang amo. Tinawag silang mga “mang-mang” ni Don Carlos dahil sa
pag-kakamaling ilagay ang mga palay sa tabi ng kanilang bakod.
“Hindi
niyo ba alam ang mangyayari sa mga palay na iyan? Iniwan niyo lang magdamag,
hindi niyo man lang binantayan!” wika ng nagagalit na si Don Carlos. Kinuha
niya ang isang pala at hinampas si Kuya Andres sa kanyang likuran. Nang makita
ni Kuya Hulio ang ginawa ng kasero kay Kuya, ninais niyang magmakaawa nalang
dahil alam niya na pag lumaban pa siya, mawawalan sila ng trabaho at pag
nawalan sila ng trabaho sa lupa ni Don Carlos, mawawalan ng pagkain at hindi
makakapag-aral ang kanilang mga nakababatang kapatid. Lumuhod si Kuya Hulio sa
harap ni Don Carlos habang nakikita niya ang dugong lumalabas sa likod at braso
ni Kuya Andres.
“Patawad
po, Manong. Hindi na po namin iyon uulitin.” Ang makaawa ni Kuya Hulio, kanyang
ulo’y nakatingin sa lupa.
“Makakapal
ang mukha! Huwag na kayong babalik dito! Ilang beses niyo nang inulit ‘yan at
ano ang katwiran niyo? Dahil may sakit sa puso ang kapatid mo? Ha! Mga
sinungaling! Mga mang-mang!” sigaw ng maylupa. Kumislot ang mukha ni Kuya
ngunit hinaayaan niya lang ang insulto ay lumipas.
Pero mali
si Don Carlos. Hindi mang-mang ang aking mga kapatid. Natuto silang mag-basa at
mag-sulat gamit lamang ang isang Bibliya. May kaalaman sila kung gaano
kaimportante ang magandang ugali sa kapwa. Hindi man nakapag-aral sa eskwelahan
dahil sa kakapusan sa pera ngunit hinanap nila ang edukasyon at hindi ang
pisikal nitong simbolismo. Pagkalipas ng ilang linggo, namatay si Kuya Andres
dahil sa sakit sa puso at pagkatapos ng ilang araw, lumisan si Kuya Hulio upang
maghanap ng hanap-buhay ngunit siya’y nabaril ng mga rebelde habang papunta
pabalik saamin mula sa kabilang parte ng Pangasinan. Ang sabi-sabi sa bayan
doon ay niloko ang aking kapatid, at dahil sa malinis na kalooban ng aking
Kuya, nahulog siya sa patibong. Nais nakawin ng mga rebelde ang kakaunting
salapi ni Kuya, pero hindi siya pumayag.
“Para sa
pagkain at pag-aaral ng kapatid ko ang perang hawak ko ngayon. Hindi niyo
basta-bastang makukuha ang salaping pinaghirapan ko gamit ang dugo at pawis
ko.” Kalamadong sinabi ni Kuya sa mga lalaki. Sa kasamaang palad, madami
talagang masasamang tao na naninirahan sa mundo. Binaril si Kuya at inilibing
sa tabi ng gubat na hanggang ngayon ay hindi parin nahahanap. Ang kapalaran ni
Kuya Hulio ay katulad din ng sinapit ng aming panganay na kapatid na si Kuya
Istak. Kahit man na may kutob ako noon na malaki ang nasapit ni Kuya, ayaw kong
paniwalaan na siya’y pinahirapan ng mga sundalong bumisita sa bahay namin sa
araw na iyon.
Ang kwento
naman kay Ate Elena ay ang istoryang lumubog sa aking puso. Siya’y pumunta sa
Maynila upang mag-aral. Ngunit, ayun ang alam namin ni ina. Nang makatungtong
na sa lungsod ng Maynila, nag-aral naman si ate gamit ang perang binigay ni ina
sakanya bago siya lumayo sa amin. Subalit naubos ang pera, hindi pinaalam ng
aking ate dahil nahihiya siya humingi kay ina dahil alam niyang inutang lang
ang pag-aaral niya. Tinanong niya ang kanyang amo niya sa Maynila na kung maari
siyang pag-aralin at patirahin sa kanyang bahay, at ang kapalit ay ang kanyang
pagiging katulong sa bahay. Pumayag naman ang kanyang babaeng amo. Nasiyahan si
Ate sa sagot ng matanda kaya nagtiyaga siya muli sa pag-aaral. Nagpadala pa
minsan ng pera sa amin noong pasko para sa pag-aaral namin. “Ibinigay ni Donya
Isabela kapalit ng aking serbisyo at dahil darating na ang kapaskuhan,”
nakalagay sa sulat na may kasamang salapi, “Kunin niyo po at itabi para sa
edukasyon ni bunso. Maligayang Pasko.” Matatapos na sana ng aking ate ang
kursong kanyang kinuha ngunit madilim ang sumasalubong sa kanyang paglalakbay.
Dumating ang anak ng kanyang amo at tila ba’y pinagsalamantala ang Ate kong
walang kalaban-laban sa higpit ng kanyang hawak. Nawalan ng gana si Ate Elenang
mag-aral. Ang kanyang mga grado ay bumagsak, lagi lamang naglilinis ng bahay ng
kanyang amo at makikitang nakakulong sa kanyang maliit at madilim na silid,
nagtatago sa realidad, hindi na kayang harapin ang buhay. Napansin ito ng
kanyang matandang amo. Wala nang nagawa si Ate at nagsumbong sa ginawang
karahasan ng kanyang mismong anak. Sa halip na kaawaan ang babaeng nasa harap
niya at bigyan ng simpatya, pinalo si ate sa kanyang kaliwang mukha at
ininsulto ng mga salitang hindi karapat-dapat na marinig ng isang anghel na
hindi nagkasala. Pinalayas siya sa kanilang tahanan at natulog nalang kung
saan-saan. Siguro’y nakalimutan ni Ate Elena na may pamilya pa siyang maari
niyang puntahan dahil siya’y nagpakamatay gamit ang isang lubid na itinali sa
puno. Ang kanyang huling bilin ay nakasulat sa isang liham na nakita ko sa
kamay ng aking ina kanina lamang.
Sa
pagkwento ng aking ina, dito ko nalaman na ang mga kapatid kong sila Istak,
Andres, Hulio at Elena, ay sinuportahan ang edukasyon ng kanilang nakababatang
kapatid. Ang sakripisyong karapatan din nilang makuha, subalit ibinigay ang
kanilang lahat para sa akin, para sa edukasyon na hindi man lang nila
matitikman. Aking pangako sa aking pamilya—mga kuya, ate, ina at itay—ang aking
buhay ay iaalay ko sa kinabukasang ninanais ninyo sa akin. Sa pag gising ng
umaga mamaya, sa pag-tilaok ng manok sa katabing bahay, ako’y babalik sa
Maynila at maglalakad papunta sa entablado, kukunin ang isang papel na
nakarolyo at babalik muli sa piling ng aking nanghihina na nanay, magtatayo ng
maliit na paaralan at magtuturo sa mga batang kasing tapang ni Kuya Istak,
kasing galing ng pagtaguyod ni Kuya Andres, katulad ng panatag na pagkatao ni
Kuya Hulio at kasing tiyaga at kasing liwanag ni Ate Elena. Ang aking payo bago
ko umpisahan ang aking pagbabalik, hindi lamang saiyo, mambabasa, ngunit sa
lahat ng tao rin, na huwag kayo mawalan ng loob at mahalin ang inyong mga
nalalaman dahil katulad ng sinabi ng isang tanyag na tao na ang edukasyon ay
ang pinakamataas mong armas na maari mong gamitin upang baguhin ang mundo.
Kaya’t aking kababayan, buksan ang inyong mga libro, takpan ang anino ng
kasakiman at mag-aral ka.
_____________
No comments:
Post a Comment